Inihayag ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na mas marami nang pamilyang Pilipino ang nakikinabang sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, libo-libong benepisyaryo na ang nabigyan ng sariling bahay, lupa, at mas ligtas na paninirahan sa ilalim ng programa.
Kabilang sa mga nakatanggap ng benepisyo ang mahigit walong libong informal settler families na nabigyan ng titulo ng lupa sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program.
Mayroon ding mga bagong benepisyaryo ng Expanded 4PH housing project sa Bataan, habang 100 residente ng Lucena City ang tumanggap ng Certificates of Entitlement.
Natanggap ng mga residente ang mga dokumento matapos ang mahigit dalawang dekadang paghihintay para sa pagkilala sa kanilang karapatan sa lupa.
Binigyang-diin ni Aliling na layunin ng Expanded 4PH na mabigyan ang bawat pamilyang Pilipino ng ligtas, abot-kaya, at disenteng tahanan.