Photo courtesy of Department of Agrarian Reform (DAR)
Nakahandang ipatupad ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para mapabilis ang repormang agraryo at mapalakas ang suporta sa agrarian reform beneficiaries (ARBs).
Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III, na tututukan ng kagawaran ang pagkumpleto ng pamamahagi ng mga titulo ng lupa at pagpapatupad ng New Agrarian Emancipation Act.
Ayon kay Estrella, ang patuloy na suporta ng Pangulo ay magsisilbing inspirasyon upang mas mapaigting ang serbisyo ng DAR para sa mga benepisyaryo.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Marcos na mahigit 400,000 titulo ng lupa na sumasaklaw sa higit 500,000 ektarya ang naipamahagi na sa mga kuwalipikadong ARBs.
Tiniyak din ng Pangulo, na matatapos ngayong taon ang pagpapatupad ng batas na nagkakansela sa hindi pa nababayarang amortisasyon, interes, at surcharge ng mga kwalipikadong ARBs.
Magpapatuloy ang DAR sa pagbibigay ng suporta tulad ng irigasyon, farm-to-market roads, makinaryang pansaka, at credit assistance upang mapataas ang kita ng mga magsasaka.