Lalo pang pagbubutihin ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang trabaho nito upang maisakatuparan ang mga isyung pinatutukan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. partikular sa Public works and infra sector.
Ayon kay DPWH Sec. Vince Dizon, kahanga-hanga ang naging pahayag ni Pangulong Marcos sa pagpapanagot sa mga indibidwal na sangkot sa infrastructure anomalies na walang kinikilingan, kaalyado, kaanak man o kaibigan.
Testamento rin ito ayon kay Dizon na nagbunga na ang lahat ng kanilang isinagawang reporma ngayon sa DPWH na mas nakatutok na ngayon sa pagbibigay ng resulta na makatutulong sa sambayanang Pilipino.
Dagdag pa ng kalihim na hindi sila titigil sa pagpapatuloy ng reporma sa ahensiya at paglilinis dito sa anomang uri o porma ng katiwalian kung saan kakambal nito ang pagpapanagot sa mga tiwali at kurakot.
Sa ngayon kabilang sa mga tinututukan ng DPWH ay ang backlogs sa mga infrastructure projects at pagtitiyak na matibay at dekalidad ang mga proyektong minamandohan ng DPWH.
Binibigyang-pansin din ng DPWH ang all-of-government approach pagdating naman sa Oplan Kontra Baha at mga inisyatibo nito kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan at civic groups. | via Eph Gaytos