Suportado ni Senador Kiko Pangilinan ang isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), partikular ang pagbabawal sa pagpasa ng systems loss charges at kaukulang value-added tax (VAT) nito sa mga konsumer ng kuryente.
Ayon kay Pangilinan, matagal nang hindi dapat pinagbabayad ang mga konsumer sa systems loss dahil hindi naman nila ito nagagamit o nakokontrol.
Aniya, mas makabubuting mailaan ng mga pamilyang Pilipino ang kanilang kita sa pagkain, edukasyon, at kalusugan kaysa sa naturang singil.
May inihain din ang senador na Senate Bill 2124 o panukalang VAT Exemption on Systems Loss Act for Residential Household Consumers, na naglalayong alisin ang VAT sa systems loss charges para sa mga kabahayan.
Sinabi ni Pangilinan na handa siyang makipagtulungan sa administrasyon, kapwa mambabatas, Department of Energy, at iba pang sektor para mapabilis ang pagpasa ng mga kinakailangang pagbabago sa EPIRA.
Umaasa rin ang senador na magiging pagkakataon ang pag-amyenda sa batas para mas mapalakas ang proteksyon sa mga konsumer, mapataas ang transparency sa sektor ng enerhiya, at matiyak na magiging mas abot-kaya at maaasahan ang suplay ng kuryente para sa lahat ng Pilipino. | via Eph Gaytos