Photo courtesy of Senate of the Philippines
Ikinatuwa ni Senador Erwin Tulfo ang pagbanggit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilang mahahalagang isyu sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), kabilang ang mataas na singil sa kuryente, paglaban sa korapsyon, at pagtatanggol sa soberanya ng bansa.
Ayon kay Tulfo, bilang chairman ng Senate Committee on Energy, sinimulan na ng Senado ang pagdinig sa mga panukalang amyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang mabawasan ang dagdag na pasanin ng mga konsyumer, kabilang ang system loss charge at ilang buwis sa kuryente.
Bilang chairman din ng Senate Blue Ribbon Committee, sinabi ni Tulfo na ipagpapatuloy nito ang imbestigasyon sa mga sinasabing maanomalyang flood control project sa oras na makumpleto ang komposisyon ng komite.
Aniya, sisiyasatin din nito ang iba pang alegasyon ng korapsyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang umano’y kickback scheme sa pagkuha ng mga environment-related permit.
Nagpahayag din ang senador ng suporta sa administrasyon sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa at iginiit na pag-aari ng Pilipinas ang West Philippine Sea at hindi dapat magpasakop sa anumang panggigipit.
Samantala, ipinauubaya na ni Tulfo sa Office of the Ombudsman ang pagpapanagot sa mga sangkot sa umano’y flood control anomaly, kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez. Tiwala ang Blue Ribbon Committee chairman na gagawin ni Ombudsman Boying Remulla ang nararapat kaugnay ng naturang usapin.