Iniimbestigahan na ngayon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang posibleng kaugnayan ng ilan sa 51 indibidwal na inaresto sa kasagsagan ng protesta sa Commonwealth Avenue, Quezon City kahapon sa mga sangkot naman sa kaguluhan noong September 21, 2025.
Ayon kay NCRPO Director Police Maj. Gen. Anthony Aberin, nakakuha ang pulisya ng mga retrato at pagkakakilanlan ng mga inaresto upang ikumpara sa mga indibidwal na nasangkot sa mga nakalipas na insidente.
Isa sa mga detalyeng sinusuri ng pulisya ang pagkakapareho ng kasuotan ng ilang mga inaresto, kabilang ang pagsusuot ng itim na damit at pagtatakip ng mukha gamit ang Balaclava.
Sa video na nakuha ng Quezon City Police District, makikitang ilang indibidwal na nakaitim at may takip sa mukha ang nag-spray paint sa pader ng isang electric distribution utility company sa Commonwealth Avenue.
Samantala, inaalam din ng pulisya kung kabilang sa mga inaresto ang umano’y nanuntok sa isang Police Captain.
Kapag napatunayang sangkot, maaari pa itong maharap sa karagdagang kasong direct assault.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Quezon City Police District ang 45 sa mga inaresto, habang ang anim naman ay nasa Police Station 6 at patuloy na iniimbestigahan.