Photo courtesy of Manila Water
Target makumpleto ngayong taon ng Manila Water ang P5.44-bilyong Kaysakat Water Treatment Plant sa Antipolo City.
Ayon kay Manila Water Corporate Communications Department Head Dittie Galang, magdadagdag ang pasilidad ng 220 million liters per day (MLD) na suplay ng tubig sa East Zone, lalo na sa gitna ng banta ng El Niño at pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.
Bahagi ang proyekto ng Wawa-Calawis (Kaysakat) Water Supply System Phase 2 na layong palawakin ang pinagkukunan ng tubig at mabawasan ang pagdepende sa Angat Dam.
Kukunin ng planta ang tubig mula sa Wawa Dam para iproseso at idagdag sa distribution network ng Manila Water.
Kapag operational na, inaasahang makikinabang dito ang mahigit isang milyong residente sa Antipolo City at mga karatig-munisipalidad sa Rizal.
Ayon kay Galang, bahagi ang proyekto ng mga hakbang ng Manila Water para palakasin ang water security at tiyakin ang mas matatag na suplay ng tubig sa gitna ng climate change.