Pinapaharap ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang producers ng “It’s Showtime” kaugnay ng mga reklamong inihain laban sa episode ng programa noong July 24.
Ayon sa MTRCB, nakatanggap ito ng maraming reklamo hinggil sa umano’y hindi angkop na eksena at pahayag ni host Vice Ganda na tinukoy ng ilang manonood bilang racially insensitive at colorist remarks.
Inatasan ni MTRCB Chair at CEO Lala Sotto ang mga kinatawan ng GMA Network Inc. at ABS-CBN Corporation na dumalo sa pagdinig ng MTRCB Hearing and Adjudication Committee bukas, July 29.
Kabilang sa mga tinukoy na insidente ang “Memerimar” skit sa segment na “Laro Laro Pick,” pati ang eksenang may kinalaman sa “lugaw” kasama sina Vice Ganda at Ion Perez.
Nauna nang humingi ng paumanhin si Vice Ganda sa July 25 episode ng programa kaugnay ng mga naging biro sa naunang palabas.
Sinabi ng MTRCB na susuriin nito kung may paglabag ang programa sa Presidential Decree No. 1986 na nagbabawal sa pagpapalabas ng mga programang taliwas sa batas, mabuting kaugalian, pampublikong kaayusan, at moralidad.