Namahagi si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mahigit P115 milyon na halaga ng agricultural assistance sa mga magsasaka, mangingisda, at mga irrigators’ association sa Davao de Oro.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., isinagawa ang pamamahagi wala pang 24 oras matapos ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, kung saan binigyang-diin niya ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura.
Kasama ng Kalihim, ipinamahagi ang mga kagamitan at ayuda tulad ng rice combine harvester, tractor, fishing boat, tilapia fingerlings, binhi ng palay, abono, at iba pang production inputs.
Kasama rin sa ipinamahaging suporta ang tulong mula sa Benteng Bigas, Meron Na! Program para sa mga benepisyaryo sa probinsya.
Ayon kay Tiu Laurel, makikinabang dito ang mga rice at corn farmer, rehistradong mangingisda, irrigators’ association, at iba pang sektor na nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Sinabi ng Kalihim na layunin ng programa na mapababa ang gastos sa produksyon, mapataas ang ani, at mapalakas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda.
Dagdag pa niya, bahagi ito ng pagsusulong ng modernisasyon ng agrikultura upang matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa.