Hinimok ni Cavite Representative Lani Mercado-Revilla ang Kongreso na agad na talakayin ang mga nakabinbing panukalang batas na mag-aamyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), kasunod ng naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Mercado-Revilla, dapat samantalahin ng Kongreso ang panawagan ng Pangulo upang maipasa ang mga repormang magpapababa sa pasanin ng mga konsyumer sa kanilang singil sa kuryente.
Kabilang aniya rito ang pag-alis ng system loss charges at ang pagpapawalang-bisa sa Sections 10 at 11 ng Republic Act No. 7832.
Diin niya, hindi dapat pagbayarin ang mga Pilipino sa kuryenteng hindi naman nila nagamit, lalo na sa gitna ng mataas na gastusin at pabagu-bagong presyo ng enerhiya sa pandaigdigang merkado.
Tinukoy din niya na sa kabila ng halos tatlong dekadang paniningil ng system loss charges, marami pa ring distribution utilities ang hindi naman napaganda ang kanilang operasyon.
Una nang inihain ni Mercado-Revilla ang House Bill No. 6976 na naglalayong ipagbawal sa mga pribadong electric distribution utilities ang pagpasa ng system loss charges sa mga konsyumer.
“The President has made affordable electricity a national priority. Congress must now translate that commitment into concrete legislation. One of the fastest and most meaningful reforms we can deliver is to remove the unfair burden of system loss charges from the shoulders of ordinary consumers. This is a low hanging fruit that Congress can so easily deliver to our people. Let us amend EPIRA now, and also repeal Sections 10 and 11 of RA 7832 which are actually riders to the Anti-electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994,” ani Mercado-Revilla.