Patuloy na pinalalakas ng Department of Education (DepEd) ang mga reporma at pagtugon nito sa mga kinahaharap na hamon sa sektor ng edukasyon.
Sa kaniyang pagbabalik-tanaw sa nakalipas na taon, binigyang diin ni Education Secretary Sonny Angara na direktang napakinabangan sa mga pasilidad ng paaralan, kapakanan ng mga guro, at suporta sa pag-aaral ng mga estudyante.
Malinaw aniya ang atas ng Pangulo, na bawat piso ay dapat nararamdaman ng mga estudyante at guro mula sa mga bagong silid aralan at kagamitan hanggang sa bawas sa gawaing administratibo, mas ligtas na paaralan at pag-angat ng kalidad ng edukasyon.
Bukod sa promosyon ng nasa 82,000 mga guro sa ilalim ng Expanded Career Progression System, pinalalakas din ng DepEd ang kapakanan at kagalingan ng mga guro sa edukasyon.
Itinaas na rin ang Teaching Allowance ng mga guro sa ₱10,000 mula sa ₱5,000 bilang suporta sa pangangailangan ng mga guro sa pagtuturo.
Nagkaloob din ng 7,000 medical allowance para sa isang milyong teaching at non-teaching personnel upang makatulong sa pangangailangang pangkalusugan ng mga ito.