Kabilang sa mga ibinida ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang katatapos lamang na State of the Nation Address (SONA) ang mga napagtagumpayan at mga tinututukang proyekto ng Department of Science and Technology (DOST), partikular sa electric vehicle innovations, pag-aaral sa nuclear energy, at iba pang science innovations at digital applications.
Sa panayam ng programang BOSES kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., sinabi ng Kalihim na maganda na ang progreso ng bansa sa usapin ng electric vehicle technology, gayundin ang paghahanda ng Pilipinas para sa paggamit ng nuclear technology sa larangan ng enerhiya.
Ayon kay Solidum, mahigpit na ang kanilang ugnayan sa Department of Energy (DOE) sa paghahanda ng bansa para sa posibleng pagpapagana ng nuclear power plant, at aniya, masinsinan na ang isinasagawang mga pag-aaral upang maisakatuparan ito.
Kasama rito ang pagsasanay sa mga Pilipinong magpapakadalubhasa sa nuclear science at engineering upang matiyak ang maayos na operasyon ng bubuuing nuclear energy facility, pati na ang mga mahahalagang konsiderasyon tulad ng kaligtasan at tamang pag-iimbak ng radioactive at nuclear waste.
Samantala, tinututukan din ng DOST ang mga digital at online application para sa disaster preparedness, kabilang ang volcano monitoring at weather forecasting sa pamamagitan ng PHIVOLCS at PAGASA.