Sa gitna ng panawagan ng ilang grupo na muling buksan ng Kamara ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control project, sinabi ni House Majority Leader Sandro Marcos na mas nararapat na ipaubaya na ito sa Ombudsman at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Marcos, hindi dapat magsagawa ng sariling imbestigasyon ang House of Representatives dahil kabilang sa mga inaakusahan ang ilan sa mga miyembro nito.
Aniya, maihahalintulad ito sa pag-check ng isang estudyante ng sarili nitong papel sa pagsusulit.
Binigyang-diin din niya na ano mang maging resulta ng imbestigasyon ng Kamara ay maaaring kuwestiyunin ng publiko dahil sa posibleng conflict of interest.
Dahil dito, sinabi niyang mas mainam na ang Ombudsman at iba pang awtoridad ang magsagawa ng independiyenteng imbestigasyon.