Photo courtesy of Senate of the Philippines
Inihain ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III ang Senate Bill No. 2338, na naglalayong itaas ang taunang taxable income na hindi papatawan ng income tax mula P250,000 tungo sa P350,000.
Ayon kay Sotto, tugon ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na dagdagan ang bilang ng mga manggagawang hindi na sakop ng income tax, partikular ang mga kumikita ng hanggang P350,000 kada taon.
Layunin din ng panukala na mabawasan ang pasanin sa buwis ng iba pang wage earner.
Sa ilalim ng kasalukuyang probisyon ng National Internal Revenue Code, na inamyendahan ng TRAIN Law o Republic Act No. 10963, tanging ang mga may taunang taxable income na hindi lalampas sa P250,000 ang hindi nagbabayad ng income tax.
Iginiit ni Sotto na hindi na naaayon ang kasalukuyang tax exemption sa kalagayan ng ekonomiya dahil nanatiling hindi nagbabago ang threshold sa nakalipas na walong taon, samantalang tumaas na ang sahod ng maraming manggagawa at patuloy ding sumipa ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Binanggit din sa explanatory note ng panukala ang epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan, na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at sinundan ng pagmahal ng pagkain, pamasahe, at kuryente.
Aniya, lalo nitong pinabigat ang gastusin ng mga pamilyang halos sapat lamang ang kinikita.
Sa ilalim ng panukala, mananatili ang umiiral na marginal income tax rate, ngunit aayusin ang tax bracket upang umayon sa mas mataas na tax-exempt threshold.
Kapag naisabatas, ang lahat ng kumikita ng P350,000 o mas mababa kada taon ay ganap nang hindi magbabayad ng income tax. Samantala, ang mga kumikita ng higit sa halagang ito ay inaasahang makatitipid ng hanggang P15,000 sa kanilang taunang income tax dahil sa mas mataas na tax exemption.