Tinawag ni Senador Christopher “Bong” Go na napapanahon ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) tungkol sa pagsisimula ng pagtatayo ng mga mandatory evacuation center sa buong bansa, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng kalamidad.
Pinunto ni Go na matagal na niyang isinusulong ang pagkakaroon ng ligtas at permanenteng evacuation center para sa mga pamilyang apektado ng baha, lindol, pagputok ng bulkan, at iba pang sakuna.
Binigyang-diin ng senador na personal niyang nasaksihan ang hirap ng mga evacuee na napipilitang manatili sa mga basketball court, silid-aralan, at iba pang pansamantalang kanlungan, na aniya’y hindi angkop at ligtas para sa mga biktima ng kalamidad.
Ipinaalala rin ni Go na naisabatas noong Disyembre 2024 ang Republic Act No. 12076 o Ligtas Pinoy Centers Act, na naglalayong magkaroon ng dedicated evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa.
Sinabi ni Go na tututukan niya ang pagpapatupad ng programa upang matiyak na may sapat na pondo at maayos na nagagamit ang pera ng bayan.
Kasabay nito, muling nanawagan ang senador na amyendahan ang National Building Code, na huling binago noong 1977, upang maging mas matibay ang mga imprastraktura laban sa epekto ng climate change at iba pang kalamidad. Isinusulong din niya ang pagpasa ng Senate Bill No. 173, na lilikha sa Department of Disaster Resilience upang higit pang mapalakas ang kahandaan at pagtugon ng pamahalaan sa mga sakuna.