Binigyang-diin ni Philippine Energy Research & Policy Institute (PERPI) Executive Board Member Atty. Jay Layug na ang labis na pagkaasa ng Pilipinas sa imported fuel ang pangunahing dahilan kung bakit madaling maapektuhan ang bansa ng mataas na presyo at kakulangan sa suplay ng kuryente.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service, nagpahayag ng suporta si Atty. Layug sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) patungkol sa paghahanap ng alternative and sustainable energy tulad ng hydrogen at nuclear power production.
Upang solusyunan ang krisis sa kuryente, ibinahagi ni Atty. Layug ang iba’t ibang uri ng renewable energy na maaaring gamitin sa Pilipinas.
Kabilang ang tinatawag na BIG SHOW Biomass na tumutukoy sa mga municipal and agricultural waste na puwedeng i-convert gamit ang makabagong teknolohiya kasama ang geothermal o enerhiyang nagmumula sa likas na init sa ilalim ng lupa, at iba pang likas na yaman tulad ng solar (araw), hydro (tubig), ocean (alon), at wind (hangin).
Sa kasalukuyan, mayroong humigit-kumulang 200 energy projects na ikinakasasa sa buong bansa upang mapalakas ang lokal na suplay ng kuryente.
Nang tanungin kung sustainable o pangmatagalan ang mga kasalukuyang hakbang ng Department of Energy (DOE), positibo ang naging tugon ng opisyal.
Sumasang-ayon si Atty. Layug sa direksyong tinatahak ng ahensya dahil na rin sa malinaw na pagpapasigla ni Pangulong Marcos Jr. sa sektor ng malinis na enerhiya.
Inilalatag din ang pagsusulong sa “Sariling Kuryente Act,” kung saan ang panukalang batas na ito ay naglalayong alisin ang mga komplikadong proseso upang mapadali para sa mga ordinaryong mamamayan at mga establisimyento ang pag-install ng sarili nilang solar and battery systems sa kani-kanilang mga tahanan at gusali.