Kumpiyansa ang Philippine Energy Research & Policy Institute (PERPI) na makakamit ng bansa ang mga layunin nito sa malinis na enerhiya, kasunod ng pagdagsa ng mga dayuhang mamumuhunan at ang unti-unting modernisasyon ng sektor ng kuryente sa Pilipinas.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Atty. Jay Layug, Executive Board Member ng PERPI, ang mga positibong pagbabago sa polisiya ng Department of Energy (DOE) at ang mga repormang isinusulong sa EPIRA Law upang maprotektahan ang mga konsyumer.
Ayon kay Atty. Layug, tinatayang 90% ng mga dayuhang mamumuhunan sa sektor ng enerhiya ang nakakakita ngayon ng potensyal at ganda ng mga polisiya sa Pilipinas.
Espesyal na atraksyon para sa kanila ang paglahok sa Green Energy Auction Program (GEAP) ng DOE, na nag-aalok ng matatag na 20-year payment mechanism sa mas mababang halaga o rates.
Kasabay nito, binigyang-diin niya ang malaking papel ng solar power at ang mabilis na transisyon patungo sa mga electric vehicle (EV) upang tuluyang mabawasan ang pagkaasa ng bansa sa petrolyo.
Tiwala naman si Atty. Layug na kayang-kayang abutin (very achievable) ang target ng administrasyong Marcos na 40% renewable energy share pagdating ng taong 2030.
Aniya, ang nakalipas na mga pagtaas sa presyo ng gasolina at diesel ang nagtulak sa mas maraming Pilipino na lumipat sa mga EV dahil personal nilang nakita ang pagtitipid at pakinabang ng makabagong transportasyon.
Kaugnay naman ng usapin sa mataas na singil sa kuryente, ipinaliwanag ni Atty. Layug na ang tinatawag na systems loss na nakapaloob sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ay mayroong dalawang mahalagang bahagi o components.
Inihayag naman ni Atty. Layug ang opisyal na mungkahi ng PERPI sa nakatakdang pag-amyenda sa EPIRA Law ay ang mahigpit na regulasyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa pagtatakda ng singil sa system loss. Sa aspeto naman ng non-technical component—o ang pagkawala ng kuryente dahil sa mga ilegal na koneksyon—handa ang institusyon na tumulong sa pamahalaan upang masugpo ang pagnanakaw ng kuryente.
Naniniwala siya na may kakayahan ang kasalukuyang administrasyon na amyendahan ang EPIRA Law nang unti-unti.
Sa katunayan, nasimulan na ang pagpapalakas sa kapasidad at kapangyarihan ng ERC, bagama’t ang iba pang masalimuot na probisyon ng batas ay dadaan pa sa malalalim na talakayan sa Kongreso.
Kapag tuluyan nang naipatupad nang mahigpit ang pagpapababa sa mga dagdag-singil na ito, tiyak na makikinabang ang mga ordinaryong konsyumer at mababawasan ang mga kaso ng ilegal na tapping.
Sa huling bahagi ng panayam, kinumpirma ni Atty. Layug handa na ang Pilipinas sa pagpasok ng mga makabagong teknolohiya tulad ng hydrogen at nuclear energy.
Naitatag na ang mga paunang polisiya at natukoy na rin ang mga estratehikong lokasyon sa bansa kung saan maaaring itayo ang mga hydrogen energy power plants.
Samantala, gumagawa na rin ng mga kongkretong hakbang ang pamahalaan at mga kaukulang ahensya para sa pagbuhay ng nuclear power, kasabay ng pagbalangkas sa mga regulasyon at batas na titiyak sa ligtas na paggamit nito sa hinaharap.