Nakapagtala ng bahagyang pagtaas sa lebel ng tubig ang Laguna de Bay dahil sa epekto ng Southwest Monsoon o Habagat na nagdudulot ng pag-ulan sa Metro Manila at CALABARZON.
Batay sa monitoring ng Laguna Lake Development Authority Radar Level Sensors ngayong araw, nasa humigit-kumulang 11.19 meters ang average water level ng lawa.
Gayunman, nananatili pa rin itong mas mababa sa 12.50 meters critical high level.
Ngunit patuloy itong binabantayan dahil nagsisilbing natural catch basin ang Laguna de Bay ng mga tubig mula sa Rizal, Laguna, at ilang bahagi ng Metro Manila.
Ayon sa LLDA, maaaring unti-unting tumaas ang lebel ng tubig sa mga susunod na linggo kung magpapatuloy ang malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat.
Paalala pa nito sa mga mangingisda at operator ng fish pens at fish cages na tiyaking matibay ang kanilang mga istruktura laban sa malalakas na hangin at alon. | ulat ni Rey Ferrer