Courtesy: Presidential Communications Office
Nanindigan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi dapat balikatin ng pamilyang Pilipino ang aniya’y bunga ng inefficiencies o pagkukulang ng iba.
Ang pahayag ay kaugnay ng una nang iginiit ng Punong Ehekutibo sa kanyang nakaraang SONA na dapat lang tanggalin na ang system loss charges sa mga electric consumers.
Ayon kay Pangulong Marcos, makatarungan lang na magbayad ang electric users ng kuryenteng kanilang nakokonsumo pero hindi dapat balikatin ang kakulangan ng iba na hindi naman kagagawan ng consumers.
Sa naging talumpati ng Pangulo sa ika -25 anibersaryo ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ay inulit nito ang kanyang nabanggit sa SONA hinggil sa hirit niya sa Kongreso na amyendahan ang EPIRA, alisin ang binabayarang system loss kasama na din ang binabayaran ditong VAT.
Sa naging talumpati naman ni Energy Secretary Sharon Garin, inihayag nitong nakuha na nila ang nais na mangyari ng Presidente at ito ay ang ibaba ang presyo ng kuryente.