May sinusundan nang lead ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng magkahiwalay na insidente ng mga narekober na improvised explosive devices (IEDs) sa may entrance ng Department of Justice (DOJ) sa Maynila at malapit sa Senado sa Pasay City noong araw ng State of the Nation Address (SONA).
Sa ambush interview sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na tuloy-tuloy ang isinasagawang imbestigasyon at may mga lead nang sinusundan ang mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable.
Hiniling din niya sa publiko na bigyan ng sapat na panahon ang mga imbestigador habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon.
Ayon kay Nartatez, patuloy ang trabaho ng mga pulis upang mabilis na maresolba ang mga kaso.
Halimbawa na lang aniya ‘yung naging mabilis na pagresolba sa pagpatay sa isang vlogger sa Caloocan, kung saan naaresto ang mga suspek sa loob lamang ng ilang araw at natukoy ang iba pang sangkot sa krimen.
Nauna nang sinabi ni Nartatez na isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga awtoridad ay ang posibilidad na magkaugnay ang dalawang insidente ng IED at may layunin itong manakot sa publiko sa araw ng SONA.