Ibinida ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang mas mabilis na pag-unlad at pinalawak na mga oportunidad para sa mga Malabueño sa loob ng apat na taon ng kanyang administrasyon.
Sa kanyang State of the City Address (SOCA), ipinunto ng alkalde na patuloy na naipatutupad ang Lucky 9-Point Agenda na nakatuon sa pagpapalago ng ekonomiya, pagpapabuti ng serbisyo publiko, pagpapalakas ng resiliency, at pagpapalawak ng oportunidad para sa mga residente.
Sa usapin ng ekonomiya, sinabi ng alkalde na sinuportahan ng lungsod ang 49 micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng mga trade fair at Malabon Pasalubong Center, na nakalikha ng P1.285 milyon. Tumaas din ng 19.64% ang bilang ng mga rehistradong negosyo mula 2023 hanggang 2026, habang nanatiling aktibo ang 7,104 business permits.
Nakalikha rin ang lungsod ng 26,306 job vacancies, nakapagbigay ng on-the-spot hiring sa 727 aplikante, at patuloy na nagpatupad ng employment at skills training programs. Mahigit 5,900 estudyante rin ang nabigyan ng libreng kolehiyo sa pamamagitan ng CHED.
Sa pabahay at disaster resilience, iniulat ni Sandoval na 798 pamilya ang nailipat sa permanenteng pabahay, habang ipinagpatuloy ang mga proyekto sa drainage, pumping stations, flood mitigation, at pangangalaga sa kalikasan.
Samantala, ipinagpatuloy rin ang modernisasyon ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng online business permitting, SMART City initiatives, disaster preparedness, emergency response improvements, at hybrid solar streetlights.
Mas pinalawak din ang mga serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng medical missions, libreng gamot, mga bagong pasilidad pangkalusugan, at preventive healthcare programs.
Patuloy rin umanong nakinabang ang libu-libong Malabueño sa iba’t ibang social protection programs, kabilang ang Malabon Ahon Blue Card (MABC), rice at cash assistance, educational assistance, ayuda para sa solo parents, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at iba pang sektor.
Ayon kay Mayor Sandoval, ang mga nagawa ng pamahalaang lungsod sa nakalipas na apat na taon ay patunay ng patuloy na pagsusulong ng inklusibong pag-unlad at mahusay na pamamahala para sa bawat Malabueño.