Ikinatuwa ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pag-aalis ng moratorium para sa expansion ng mga Information Technology o IT Zones sa National Capital Region (NCR) na lalo pa ngayong magpapataas sa posisyon ng Pilipinas sa mga top global sites pagdating sa digital services.
Ayon kay DTI Sec. Ma. Cristina Roque, isang napakagandang balita ng pag-anunsiyo ng Malacañang ng pag-lift ng Administrative Order (AO) 18 na senyales na ngayon na mas maraming office spaces na ang mabubuo para mag-accommodate ng mga tech-based companies.
“This major policy reform is a resounding victory for the IT-BPM (information technology-business process management) sector and a decisive step forward in strengthening the Philippines’ position as a premier global destination for digital services,” giit ni Roque.
Dagdag pa ng kalihim na sari-saring oportunidad ang naghihintay ngayon sa bansa dahil masasagot na ang long-standing investor demand upang mabuksan ang mga real estate opportunities na direkta namang magreresulta sa pag-angat pa ng digital economy at paglikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Matatandaang ipinatupad ng nakaraang administrasyon ang AO 18 upang ikalat ang IT zones sa iba’t ibang bahagi ng bansa at hindi lang naka-sentro sa Metro Manila.
Ngunit giit ni Roque, na mas pinipili pa rin ng mga digital economy investor na maglagak ng kanilang negosyo sa Metro Manila bagay na pinigilan noon ng AO 18.
Sa ngayon lalo pang pinalakas ng DTI ang kolaborasyon nito sa Philippine Economic Zone Authority (PIEZA) at sa iba pang industry stakeholders ng bansa upang maisakatuparan ang malaking reporma na ito.
“As we open new avenues for growth in Metro Manila alongside our continuous push to develop regional IT hubs, we are positioning the IT-BPM sector to generate thousands of high-quality jobs, attract foreign direct investments, and ensure economic growth nationwide,” ani Roque.