Mataas ang nakuhang nationwide approval rating ng district representatives base sa inilabas na National Momentum Survey.
Halos siyam sa bawat 10 Pilipino ang nagpapahayag ng kasiyahan sa pagganap sa tungkulin ng kanilang mga kinatawan sa distrito kung saan pinakamalakas ang suporta mula sa mga botanteng pumapanig kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay House Deputy Speaker Jay Khonghun, lumabas sa pag-aaral ng Momentum Research na 85.7 porsyento ng mga naging kalahok ang nagbigay ng gradong “good” o “very good” sa kanilang mga kinatawan sa Kongreso.
Patunay anya ito na malaki ang tiwala ng publiko sa gawa ng mga mambabatas sa kani-kanilang nasasakupan.
Ang Mababang Kapulungan ay kasalukuyang nasa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Pagdating sa political orientation, pinakamataas sa 94.6 porsyento (20.4% “very good” at 74.2% “good”) ang mga Pro-Marcos, nasa 85.9 porsyento ang approval rating ng Independyente, habang ang Pro-Duterte sa 84.6 porsyento at ang Oposisyon ay may 84.5 porsyento na approval rating, ngunit nakapagtala ng pinakamataas na disapproval rate na 12.8 porsyento.
Dagdag ni Khonghun na pinapakita ng survey ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pagiging accessible, mabilis na pagtugon, at direktang pakikinig sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Isinagawa ang pambansang survey mula Hulyo 13 hanggang 16, 2026 sa 1,438 respondent sa buong bansa.