Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na nahatulan na ng korte sa Metro Manila ang isa sa mga itinuturog sangkot sa pandaraya sa Senior High School Voucher Program ng Pamahalaan.
Ayon kay Education Sec. Sonny Angara, Hulyo a-28 nang ibaba ng Regional Trial Court sa National Capital Region (NCR) ang hatol laban sa hindi pinangalanang indibidwal na nagpapasa ng mga pinekeng billing statement.
Kulong na aabot sa mahigit 14 na taon at multa na nagkakahalaga ng 100 libong piso ang ipinataw ng korte para sa 2 patong na kaso laban sa salarin.
Bagaman maaari pang iapela ang desisyon, sinabi ni Angara na ipinapakita ng hatol na dapat papanagutin sa ilalim ng batas ang sinumang magtatangkang magsamantala sa mga programa sa tulong-pinansyal sa edukasyon.
Hindi aniya patitinag ang DepEd na protektahan ang integridad ng programa at tiyakin na ang benepisyong ito ay makararating sa mga mag-aaral na pinaglaanan nito.
Patuloy aniyang palalakasin ng Kagawaran ang mga mekanismo laban sa panlilinlang, pangangalagaan ang pondo ng bayan at maghahain ng mga ligal na hakbang laban sa pagmamalabis sa mga ganitong insiyatiba. | via Jaymark Dagala