Naghain ng panukalang batas si Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito na naglalayong gawing income tax-free ang mga manggagawa at empleyadong kumikita ng hanggang P50,000 kada buwan o P600,000 kada taon.
Sa ilalim ng Senate Bill 2341, nais amyendahan ni Ejercito ang National Internal Revenue Code para itaas ang income tax exemption threshold mula sa kasalukuyang P250,000 kada taon, na itinakda sa ilalim ng TRAIN Law.
Ayon kay Ejercito, layunin ng panukala na madagdagan ang take-home pay ng mga manggagawang Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aniya, panahon nang iakma ang umiiral na sistema ng pagbubuwis sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya, lalo na para sa mga middle-income earners.
Ipinaliwanag ng senador na bagama’t nagkaroon ng reporma sa income tax system sa ilalim ng TRAIN Law noong 2017, malaki na ang ipinagbago ng ekonomiya dahil sa patuloy na inflation, pagtaas ng presyo ng langis, at pagmahal ng mga bilihin na nagpababa sa purchasing power ng mga manggagawa.
Sa panukala, ang mga empleyadong kumikita ng hanggang P600,000 kada taon ay hindi na magbabayad ng income tax, habang ang mga lalampas sa halagang ito ay mananatiling saklaw ng graduated income tax rates.
Suportado ng panukalang batas ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na palawakin ang income tax exemption. | ulat ni Nimfa Asuncion