Patuloy ang pagsisikap ng Department of Agriculture (DA) na mapa-unlad at maisailalim sa rehabilitation ang iba’t ibang agri facilities sa buong bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. kabilang sa mga binisitang pasilidad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Sual, Pangasinan Fishport ang agri at post-harvest facilities na isinailalim na sa rehabilitasyon.
Kabilang nga sa mga makabagong gamit na inilagay ay bagong cold storage, glass freezer at ice maker na layong palakasin pa ang post-harvest production capability ng nasabing daungan.
Sa tulong nito maiiwasang masayang ang mga sobrang huli mula sa mga mangingisda lalo’t hitik sa mga lamang-dagat ang Sual at mga kalapit na lugar partikular na ang bangus.
Dagdag pa ng kalihim na pinalawak at pinalaki din ang Sual Fishport upang mas maraming bangkang pangisda itong maserbisyuhan.
Kaya naman kumpiyansa ang DA na kakambal ng nasabing mga hakbang para sa rehabilitasyon nito ay ang pagsigla pa ng ekonomiya ng Sual at iba pang karatig bayan sa Pangasinan.