Hinikayat ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang lahat ng local government units (LGUs), na sumunod sa umiiral na polisiya na nagbabawal sa pagkumpiska ng Driver’s License sa oras ng apprehension.
Sa isang pahayag, nilinaw ng LTO na may umiiral na Department of Transportation (DOTr) Memorandum Circular No. 001-2026, na nagtatakda ng polisiya sa hindi pagkumpiska ng Driver’s License sa panahon ng panghuhuli.
Nilinaw rin ng LTO na walang umiiral na desisyon ang Korte Suprema na nagbibigay kapangyarihan sa traffic enforcers na magkumpiska ng Driver’s License ng mga motorista.
Inilabas ng LTO ang pahayag matapos igiit ng Pamahalaang Lungsod ng Bacoor na maaari pa ring kumpiskahin ng mga traffic enforcer nito ang Driver’s License ng mga lumalabag batay sa umiiral nitong traffic ordinance.
Gayunman, sinabi ng LTO na ang kinikilala lamang ay ang pag-iisyu ng citation tickets at hindi ang pagkumpiska ng Driver’s License.