Isinusulong ni House Committee on Energy Chairperson at Palawan 2nd District Representative Jose Alvarez ang pagsasagawa ng inquiry in aid of legislation sa usapin ng system loss charges na sinisingil sa mga konsyumer sa kanilang electric bill.
Sa kaniyang House Resolution No. 1249, aalamin kung patas, malinaw at sapat pa rin ang kasalukuyang sistema ng paniningil at kung naaayon ito sa umiiral na mga batas na nagpoprotekta sa mga konsyumer.
Ayon kay Alvarez, mahalagang malinawan muna ang publiko sa tunay na layunin at batayan ng system loss charges bago ito amyendahan o tuluyang alisin, lalo na’t may mga nakabinbing panukalang batas kaugnay nito.
Layunin din ng imbestigasyon na pakinggan ang panig ng Energy Regulatory Commission (ERC), transmission provider, distribution utilities, electric cooperatives, consumer groups, at iba pang stakeholders hinggil sa paraan ng pagkukuwenta ng system loss charges at sa mga gastusing maaaring ipasa sa mga konsyumer.
Susuriin din kung makatwiran at transparent ba ang kasalukuyang mga polisiya sa recoverable system loss o dapat na itong baguhin upang higit na mapalakas ang proteksiyon ng mga konsyumer habang tinitiyak ang maayos at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa bansa.
“Ang gusto lang natin ay malinaw ang lahat. Kapag kumpleto ang impormasyon, mas makakagawa ang Kongreso ng tamang desisyon—isang desisyong makakabuti sa consumers habang tinitiyak din ang maayos at tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente,” sabi ni Alvarez.