Binigyang-diin ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) na napakalaking tulong ng pinagugulong ngayong Nationwide Fish Port Rehab program ng administrasyong Marcos upang lalo pang mapasigla ang sektor ng pangisdaan.
Ayon kay PFDA Acting General Manager Atty. Glen Pangapalan, bukod sa pagpapa-angat ng post-harvest capability ng mga fish port complex sa buong bansa magiging malaking tulong din ang nasabing rehabilitasyon sa pag-iimbak ng mga nahuling isda sa pamamagitan ng mas marami at mas maayos na cold-storage facility.
Pagdating naman sa value-adding ng mga produkto ay malaking tulong din ang nasabing proyekto dahil matapos mahuli ay diretso na rin sa processing stage ang mga huling isda na lalo pang nagpapataas ng kalidad nito.
Nagsasagawa rin ang PFDA ang market matching sa iba’t-ibang daungan at fish port areas sa bansa upang maayos na mapaikot sa merkado ang mga produkto at maiwasan ang artificial shortage o pagsipa ng presyo nito.
Pinalawak at pinatibay na rin ang mga port areas ng fish port upang mas maraming mangingisda ang masilbihan gayundin ang iba pang port operations ay ma-accommodate nito.
Bunsod nito ay umaasa ang PFDA na lalo pang lalago ngayon ang sektor ng pangisdaan ng bansa dahil sa inisyatibang ito ng pamahalaan.