Walang-patid ang pag-arangkada ng mga paghahada ng Manila Water kaugnay ng nararamdaman nang epekto ng El Niño partikular sa Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa Metro Manila.
Sa panayam ng Mark In, Mark Out kay Manila Water Corporate Communications Manager Kim Cardenas-Monis, sinabi niyang hindi tumitigil ang Manila Water upang maghanap at magtatag ng iba pang water sources maliban sa Angat Dam.
Ito’y upang masuplayan ng tubig ang mga residente sa East Zone ng Metro Manila gayundin sa mga bayan sa Rizal na kanilang sineserbisyuhan.
Partikular na tinukoy ng Manila Water na malaking tulong upang ma-konserba ang tubig sa Angat Dam ay ang mga itinayo nilang water treatment plants and sources.
Kabilang dito ang Calawis Water treatment plant na kumukuha ng tubig sa Upper Wawa Dam, nag-source na rin ang Manila Water ng tubig sa Laguna Lake sa pamamagitan naman ng Cardona Water treatment plant at East Bay Phase 1 water treatment plant.
Inaasahan naman na ngayong taon din ay dalawang karagdagang water treatment plant pa ang matatapos ng Manila Water ito nga ay ang East Bay Phase 2 at ang Kaysakat Water Treatment plant.