Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpapakas ng Social Protection Floor (SPF) ng administrasyon para matiyak ang komprehensibong social safety nets para sa mga mahihirap at vulnerable na Pilipino.
Sa DSWD Media Forum, sinabi ni DSWD Undersecretary Adonis Sulit na ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) na tiyaking may agarang ayuda at proteksyon ang mga Pilipino sa oras ng pangangailangan.
Ayon kay Usec. Sulit, ang Social Protection Floor ang nagsisilbing pundasyon ng Philippine Social Protection Plan (PSPP) at nakatuon sa apat na minimum guarantees: universal health care, basic income security para sa mga bata, mga nasa working age, at mga nakatatanda.
Kasabay nito, isinusulong din ng DSWD ang Adaptive and Shock-Responsive Social Protection (ASRSP) para matulungan ang mga apektado ng iba’t ibang krisis.
Nakapaloob rito ang pamamahagi ng cash assistance sa mahigit 1.8 milyong public utility vehicle (PUV) drivers at ang pagpapatupad ng UPLIFT Assistance, na kapwa idinisenyo para maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis at iba pang economic shocks sa mga Pilipino.