Inihain ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima ang House Resolution No. 1250 na humihiling ng imbestigasyon sa umano’y illegal open dumpsite sa lupang ninuno ng mga Aeta sa Sitio Tibag, Barangay Naugsol, Subic, Zambales.
Ayon kay De Lima, malaking paglapastangan sa lupang ninuno ang ginawa umanong pagtatambak ng basura sa lugar sa loob ng ilang taon.
Aniya, dapat matukoy kung sino-sino ang mga opisyal at ahensyang mananagot sa operasyon ng dumpsite at kung sapat ang plano para sa rehabilitasyon at pagsasara nito.
Binigyang-diin din ng mambabatas, na kailangang alamin kung nakuha ang ‘free and prior informed consent’ ng komunidad ng mga Aeta bago itayo ang naturang tambakan ng basura.
Pinapasilip din ng mambabatas ang umano’y pagkaantala sa pagpapatupad ng closure order sa kabila ng mga paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act.
Kasama rin sa sisiyasatin ang lawak ng pinsala sa kalikasan, kalusugan at kabuhayan ng mga residente, kabilang ang umano’y kontaminasyon ng pinagkukunan ng tubig.
Ayon kay De Lima, hindi dapat maulit ang ganitong paglapastangan sa mga lupang ninuno at nararapat pang palakasin ang proteksiyon sa mga ancestral domain ng mga katutubo.
“Kawalan ng konsiderasyon at respeto sa ninunong lupa at lantarang pagbalewala sa kalusugan, kabuhayan at tahanan ng ating mga katutubo ang ginawang pagtatambak ng basura sa ninunong lupa sa Sitio Tibagm Hindi excuse ang sabihin na pansamantala lang dapat ang operasyon lalo na kung may mga katutubong naninirahan doon. At bakit umabot ng pitong taon ang pambabalahurang ito sa kabila ng pangamba at hinaing ng apektadong komunidad?” ani De Lima.