Sisimulan na ng House Committee on Ways and Means sa susunod na linggo ang pagdinig sa panukalang palawigin ang income tax exemption, sa pamamagitan ng pakikipagpulong muna sa Department of Finance (DOF).
Ayon kay Committee Chairperson at Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo, tatalakayin muna ang magiging epekto ng panukala sa kita ng pamahalaan.
Kasunod nito ay kokonsultahin ng komite ang mga manggagawa, employer, accountants, mga advocate at kinatawan ng academe upang matiyak na makikinabang ang mga maaapektuhang sektor.
Layunin ng panukala na itaas sa ₱350,000 ang taunang kita na hindi na papatawan ng income tax.
Sinabi ni Quimbo na mahalagang matiyak na kakayanin ng pamahalaan ang ipatutupad na tax relief habang natutulungan ang middle class.
Katunayan, higit pa aniya sa ₱350,000 ang aktuwal na benepisyong matatanggap ng mga manggagawa dahil kasama rin sa panukala ang pagtataas ng tax-exempt ceiling para sa 13th month pay at iba pang bonus mula ₱90,000 hanggang ₱120,000.
Target ng komite na makumpleto ang tatlong public hearing bago isulong ang panukala sa Kongreso.