Nagbigay na ng abiso ang LPG Marketers Association (LPGMA) sa posibleng pagsipa ng presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa mga susunod na araw dahil sa pagtindi ng tensiyon sa Gitnang Silangan.
Sa pagtaya ng LPGMA, posibleng maglaro sa ₱27.50 ang maaaring idagdag sa presyo ng kada 11-kilogram na LPG cylinder, o katumbas ng humigit-kumulang ₱2 kada kilo.
Malaking salik sa nasabing price projection ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG sa pandaigdigang merkado dulot pa rin ng gulo sa Gitnang Silangan.
Ayon kay LPGMA Founder at Chairman Arnel Ty, naapektuhan ang presyo matapos muling sumiklab ang tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nakaapekto sa pandaigdigang suplay ng LPG.
Sa ngayon ay hinihintay pa rin ang opisyal na price adjustment mula sa Department of Energy (DOE).
Bunsod nito, malabo ring magkaroon ng rollback sa presyo ng LPG sa mga susunod na buwan, lalo na’t magsisimula na ang winter stockpiling sa ibang bansa.
Sa panig naman ng mga negosyante, giit nila na kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng LPG, maaari na rin nilang ipasa sa mga mamimili ang dagdag-gastos upang mapanatiling tumatakbo ang kanilang operasyon at makaiwas sa pagkalugi.