Inihayag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na ang participatory governance model ng Isabela ang naging huwaran at inspirasyon sa pambansang programang LegisHear ng Kapulungan ng mga Kinatawan.
Sa isang press briefing sa Isabela State University–Echague, ipinaliwanag ni Speaker Dy na patunay ang kanyang karanasan bilang dating gobernador ng lalawigan na ang direktang pakikinig sa mga mamamayan ay nagbubunga ng mas epektibong pamamahala at mas angkop na mga pampublikong patakaran.
Ibinahagi ng lider ng Kamara na ang matagumpay na Farmers’ Congress sa Isabela kung saan linggo-linggong pinupuntahan ng mga opisyal ang 36 na bayan at iba’t ibang barangay upang pakinggan ang mga magsasaka at komunidad—ang nagpakita sa kanya kung gaano kahalaga ang grassroots engagement.
Ayon kay Dy, ang mga positibong karanasang ito ang nagtulak sa pamunuan ng Kapulungan upang gawing pormal at regular na mekanismo ang mga national consultation.
Binigyang-diin pa ng solon na ang LegisHear ay bahagi ng adhikain ng “Bagong Kongreso” at ng administrasyon na tiyaking ang mga ipinapasa at binabalangkas na batas ay direktang sumasagot sa mga pangangailangan ng mamamayan, lalo na sa pag-angat ng kabuhayan ng bawat pamilyang Pilipino.