Mag-aalok na rin ng libreng sakay ang pamunuan ng Light Rail Transit 2 o LRT-2 sa lahat ng mga pasaherong may National ID tuwing mga araw ng Miyerkules sa buong buwan ng Agosto.
Ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA), ang alok na libreng sakay ay kasabay ng anibersaryo ng pagkapasa ng Republic Act No. 11055 o ang Philippine Identification System Act.
Pormal na nilagdaan ang nasabing panukala bilang isang ganap na batas noong Agosto 6, 2018, na nagma-mandato sa Philippine Statistics Authority na magpatupad ng National ID system.
Sa inilabas na anunsiyo ng LRTA, nakasaad na kailangan lamang ipresenta ng isang pasahero ang kanilang physical National ID o di kaya’y ipakita ang printed paper copy o digital copy ng National ID sa security personnel ng alinmang istasyon.
Tatakbo ang libreng sakay sa LRT-2 mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi sa Agosto 5, 12, 19 hanggang 26.
Nauna na ring inanunsiyo ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT 3) na magbibigay ito ng libreng sakay sa mga National ID holders tuwing araw ng Miyerkules sa buong buwan ng Agosto.