Inihahanda na ng Southern Police District (SPD) ang pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa isang 14-anyos na Child in Conflict with the Law (CICL) na sangkot sa pananaksak na nauwi sa pagkamatay ng kapwa estudyante sa isang pampublikong high school sa Las Piñas City.
Ayon sa SPD, tinatapos na ng Station Investigation and Detection Management Section (SIDMS) ang lahat ng kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng reklamo. Sinabi ng pulisya na isinasagawa ang proseso alinsunod sa umiiral na batas at mga itinakdang juvenile justice protocol, sa pakikipag-ugnayan sa mga social welfare officer.
Ang insidente ay naganap noong Biyernes, Hulyo 31, sa Barangay Daniel Fajardo, kung saan nasawi ang isang 13-anyos na estudyante matapos umanong saksakin sa dibdib ng suspek kasunod ng alitan habang recess.
Nagpahayag naman ng pakikiramay ang SPD sa pamilya ng biktima at tiniyak na paiigtingin ang seguridad at koordinasyon sa mga paaralan upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral habang isinusulong ang naaangkop na proseso ng hustisya.