Inanunsyo ng House prosecution panel na tatlo pang testigo ang ihaharap sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Lunes.
Dalawa rito ay mula sa Commission on Audit, habang isa naman ay mula sa Department of Education.
Ayon kay House Prosecutor Rep. Joel Chua, ilalahad ng COA ang buod ng paggamit ng confidential funds at kung nasunod ang umiiral na Joint Circular.
Iginiit din ng prosecution na hindi na kailangang matukoy ang bawat pisong ginastos kung mapatutunayang napunta ito sa taong hindi awtorisadong humawak ng confidential funds.
Sinabi ni Chua na ang Head of Agency at Special Disbursing Officer lamang ang may pananagutan sa naturang pondo. Dagdag pa nito, ihaharap lamang ng prosecution ang mga testigo at ebidensya, habang nasa depensa ang pagpapatunay sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte.