Ipinanawagan ni Cardinal Pablo Virgilio David sa pamahalaan na maging transparent sa partisipasyon ng Pilipinas sa U.S.-led Pax Silica initiative, at iginiit na dapat tiyakin na tunay na makikinabang ang bansa sa naturang proyekto.
Ayon kay Cardinal David, mahalagang magkaroon ng malinaw na mga pananggalang tulad ng technology transfer, makabuluhang partisipasyon ng mga Pilipinong siyentipiko at industriya, at pangangalaga sa kalikasan. Aniya, dapat ding magkaroon ng konkretong plano upang mapaunlad ang kakayahan ng Pilipinas sa agham, teknolohiya, at industriya, sa halip na manatiling tagasuplay lamang ng raw materials at murang lakas paggawa.
Idinagdag niya na hindi tutol ang Simbahan sa dayuhang pamumuhunan, ngunit ang anumang pakikipagtuwang ay dapat magpalakas sa bansang tumatanggap nito.
Binigyang-diin din niya ang usaping moral sa paglawak ng artificial intelligence, na dapat umanong magsilbi sa tao at hindi mangibabaw dito.
Ang Pax Silica ay binubuo ng mahigit 20 bansa kabilang ang Estados Unidos, Japan, Australia, at United Kingdom. Sumali ang Pilipinas sa nasabing koalisyon noong Abril 2026, kung saan nakatakdang itayo sa New Clark City sa Tarlac ang kauna-unahang AI-native industrial hub sa ilalim ng programa.