Magbibigay ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng tig-₱1,000 fuel subsidy sa mga kwalipikadong driver bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa ilalim ito ng programang TUGON o Tulong sa Umiigting na Gastusin at Obligasyon Natin.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, layunin ng programa na mabawasan ang epekto ng oil price hike sa kabuhayan ng mga driver na namamasada sa lungsod.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association, Jeepney Operators and Drivers Association, gayundin ang mga Public Utility Jeepney at modernized jeepney driver, taxi driver, TNVS driver, motorcycle taxi rider at delivery rider.
Pinapayuhan ang mga kwalipikadong driver na makipag-ugnayan sa kani-kanilang samahan para sa schedule ng payout.
Pinapayuhan din silang ihanda ang mga kinakailangang dokumento, kabilang ang updated Valenzuela City Transportation Office o VCTO ID at valid professional driver’s license.