Inihayag ng Malacañang na hindi sa korte at sa halip ay sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board idinulog ang anomang apela na may kinalaman sa pagpapatupad na sana ng ₱85 wage hike.
Kasunod ito ng ginawang pagdulog sa Pasig RTC para sa pansamantalang pagpapatigil sa implementasyon ng ₱85 salary increase na kinatigan naman ng regional trial court.
Ganunpaman ay sinabi ni Palace Press Officer at Undersecretary Claire Castro na ginagalang nila ang naging pasiya ng korte pero gumagawa na aniya ng legal na hakbang ang gobyerno para matuloy ang dagdag umento.
Ang Office of the Solicitor General (OSG) ani Castro ang lumalaban para maipatupad ang wage order na una nang pinagtibay mismo ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board.
May karapatan aniya ang pamahalaan sa pagbibigay-diin ni Castro para ihayag kung ano ang nararapat para sa mga manggagawa.