Photo courtesy of Department of Labor and Employment (DOLE)
Matapang na hinarap ni Labor Secretary Francis Tolentino ang galit ng mga grupo ng mga manggagawa na nanawagang ituloy ang ₱85 wage increase sa National Capital Region (NCR).
Hinarap din ni Tolentino ang mga lider ng nasabing grupo kabilang ang labor lawyer na si Atty. Luke Espiritu.
Dito ay ipinaliwanag ng kalihim na inilalaban ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ₱85 wage increase ngayon sa Pasig Regional Trial Court (RTC).
Ito ay matapos kuwestyunin ni Espiritu ang mga nakuha o nabasang pahayag umano ni Tolentino sa social media hinggil sa naturang isyu.
Giit ni Tolentino, kaisa sila ng mga manggagawa sa pagnanais na maituloy ang ₱85 wage increase.
Ayon pa kay Tolentino, kaisa siya sa paniwala ng mga mangagawa na walang hurisdiksyon ang korte para pigilin ang taas-sahod.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit maaga pa lang ay nasa Pasig RTC na ang mga abugado ng DOLE para ilaban ang karapatan at wage increase ng mga manggagawa.
Pero sa kabila ng nasabing diyalogo ay nagpatuloy pa rin ang ginawang kilos protesta ng grupo.
Bago ito, nambato ang mga raliyista ng mga itlog sa harap ng tanggapan ng DOLE habang nanawagan kay Tolentino na harapin sila.