Hiniling ng Federation of Free Farmers (FFF) at MAGSASAKA Party-List sa Tariff Commission ang pagpataw ng 30% safeguard duty sa mga inaangkat na bigas upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka.
Ayon kay FFF National Manager Raul Montemayor, nagdulot ng malaking pinsala sa rice farmers ang pagtaas ng rice imports matapos ipatupad ang Rice Tariffication Law noong 2019.
Sinabi nito na umabot sa average na 3.446 million metric tons kada taon ang rice imports matapos ang batas, halos triple kumpara sa mga nakaraang taon.
Dahil sa oversupply, bumaba umano ang kita ng mga magsasaka ng humigit-kumulang P50 bilyon kada taon.
Kasabay nito, inirerekomenda rin ng dalawang grupo ang pagbabago sa Minimum Access Volume o MAV system para mas makontrol ng pamahalaan ang pagpasok ng imported rice.
Inaasahang ilalabas ng Tariff Commission ang resulta ng imbestigasyon at rekomendasyon nito sa Setyembre.