Naglabas ng paglilinaw si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang kaniyang naging hamon nito sa mga opisyal ng bansa na kumikiling pabor sa China sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Ito’y kasunod ng naunang pahayag ng kalihim na dapat magbitiw na lamang sa puwesto ang mga opisyal ng bansa na hindi kayang tumindig sa usapin pabor sa mga Pilipino o kuwestyunin sa Korte Suprema ang posisyon ng bansa.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Teodoro na hindi maaaring hingin ang pagbibitiw ng isang opisyal batay sa kaniyang paniniwala o opinyon dahil dapat mayroong paglabag sa batas o reglamento.
Naging maingat aniya siya sa paggamit sa Administrative Order no. 29 ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na siyang nagtatakda sa continental shelf ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Malinaw aniya ang kaniyang naging pahayag na kung hindi sinusuportahan ng mga maka-Tsinang opisyal ng pamahalaan ang paninindigan ng Pilipinas, makabubuting kuwesyunin ito sa Korte Suprema o di kaya’y magbitiw na lang sa puwesto.
Giit ng kalihim, hindi dapat paniwalaan ang mga binaluktot na ulat ng kaniyang naging pahayag na ang layunin ay pasamain siya sa mata ng publiko.
