Hindi makikialam ang Malacañang sa desisyon ng Office of the Ombudsman kung nais nitong gamitin ang testimonya ng Maleta Boys sa pagdinig ng kaso laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro, makaraang kuwestiyunin ng kampo ni Romualdez ang paggamit sa naturang testimonya, gayong una na anilang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na hindi ito mapagkakatiwalaan at nahaharap din sa kasong perjury ang ilan sa mga testigo.
“Again, hindi po tayo makikialam, hindi makikialam ang Pangulo at ang Ehekutibo sa mga prosesong ginagawa ng Ombudsman. Kung iyan po rin ang tingin ni dating Speaker Romualdez, na ang mga salita ng Maleta boys ay walang saysay, walang bahid ng katotohanan, magagamit naman din po niya itong depensa.” -Castro
Ayon kay Castro, nasa Ombudsman na ang pasya kung anong mga ebidensiya ang nais nitong isama sa kaso.
Hindi aniya makikialam ang ehekutibo dito.
Gayunpaman, nilinaw ni Castro na hindi nagbabago ang posisyon ng Malacañang na walang basehan ang mga alegasyon ng Maleta Boys.
“On our part, nandoon pa rin po tayo na walang pinagbabasehan ang mga kwento ng Maleta boys. Kung ano po ang nakita ng Office of the Ombudsman, patungkol sa kaso ni dating Speaker Romualdez, hindi po natin iyan panghihimasukan.” -Castro