Itinuturing ng Malacañang na hindi makatao kung totoo ang umano’y planong sirain ang pagkatao ni Executive Secretary Ralph Recto sa pamamagitan ng sexual plot.
“Kung ito ay mapapatunayan na totoo, dahil may mga witnesses, may mga taong involved na pinangalanan ang taong nag-utos sa kanila na sirain ang pagkatao ni Executive Secretary Ralph Recto, ito ay isang karimarimarim, hindi katanggap-tanggap, hindi makatao, makasarili, power hungry, gawaing paggawa ng intriga, pagplanta ng ebidensiya.” — Castro.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, hindi katanggap-tanggap ang ganitong gawain at nararapat lamang na maimbestigahan, lalo’t mayroong mga taong pinangalanang sangkot.
Aniya, maaari ding hindi lamang ang kalihim ang nais biktimahin ng mga taong nasa likod.
“Diyan ba sila sanay, diyan ba sila eksperto? Ito iyong iniiwasan ng pamahalaan, kaya nga mayroon tayong tinatawag na due process, proseso ang ipinapatupad ng pamahalaan, ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.” — Castro.
Ayon kay Castro, ang mga ganitong pangyayari ay naranasan na noong nakaraang administrasyon at ito ang iniiwasan ngayon, dahilan kung bakit sumusunod ang pamahalaan sa due process.
“Ayaw natin iyong naranasan natin noong nakaraang administrasyon, pero pilit pa rin nilang ginagawa sa ngayon. Hindi ito unang beses, madami na tayong nakita, marami tayong naobserbahan, na iyong ibang mga inilalatag nilang mga diumanong testigo at gawa-gawa lamang.” — Castro.
Sabi ng opisyal, walang ibang gagawa nito kundi ang mga indibidwal o grupo na nais manggulo sa pamahalaan.
“Sa ngayon po ang NBI, sa pamumuno po ni NBI Director Matibag ay inaalam pa po ang pinakailalim nito. Dahil puwedeng hindi lamang si ES Ralph Recto ang nais nilang biktimahin, so dapat natin itong malaman. So, tayo lahat, kayong mga lehitimong, taga-mainstream media, ipaglaban ninyo ang inyong karangalan, ang inyong dignidad, bilang tagapagbalita ng tama, hindi fake news.” — Castro.