Photo courtesy of Senate of the Philippines
Pinalagan ni Sen. Raffy Tulfo ang pag-isyu ng Pasig City Regional Trial Court Branch 152 ng temporary restraining order (TRO) laban sa implementasyon ng ₱85 daily minimum wage hike sa Metro Manila.
Ang petisyong inihain ng Readycon Trading and Construction Corporation at R-2 Builders, Inc. sa Pasig RTC ang naglalayong pigilan ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR at National Wages and Productivity Commission (NWPC) sa pagpapatupad ng inaasahang wage increase.
Binigyang-diin ni Senador Raffy Tulfo na hindi katanggap-tanggap ang naging hakbang na ito ng korte dahil malinaw na nakasaad sa Article 126 ng Labor Code na walang hukuman, tribunal, o iba pang kinauukulang awtoridad ang maaaring magpalabas ng preliminary injunction, permanent injunction, o TRO laban sa anumang pagdinig, hakbang, o proseso ng mga Regional Wage Board.
Dagdag pa ng senador, kung mayroon mang apela, dapat itong idaan sa tamang proseso at sa kinauukulang ahensya na National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Giit ni Tulfo, malaking paglabag sa karapatan ng mga manggagawa ang pagsuspinde ng kanilang dagdag-sahod sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kaugnay nito, plano ni Senador Raffy Tulfo na maghain ng panukalang batas upang amyendahan ang probisyon ng Article 126 ng Labor Code upang maiwasan ang pagkalito sa implementasyon ng batas kaugnay ng wage hike.