Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pamilya ng dalawang Pinoy Seafarers na nasawi matapos ang nangyaring pag-atake sa Saudi-operated oil tanker sa Strait of Hormuz nitong August 31.
Bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na kanilang ihahatid ang lahat ng tulong na kailangan ng pamilya ng dalawang nasawing Pinoy.
Mahigpit aniya silang nakikipag-ugnayan sa may-ari ng oil tanker gayundin sa licensed manning agency katuwang ang Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Embahada ng Pilipinas at Migrant Workers Office (MWO) sa Oman.
Puspusan na rin ayon kay Cacdac ang ginagawa nilang pakikipagtulungan para sa maayos na repatriation sa mga labi ng dalawang Pinoy na nagbuwis ng kanilang buhay habang ginagampanan ang kanilang trabaho.
Sa huli, tiniyak ng DMW sa pamilya ng mga nasawing seafarer ang kaukulang tulong, benepisyo, at kompensasyon gayundin ng insurance proceedings at iba pang dapat nilang matanggap sa ilalim ng kontrata salig sa mga umiiral na batas.