Photo courtesy of Senate of the Philippines
Nagbabala si Senate Committee on Energy Chair Senador Erwin Tulfo na ilalantad niya ang mga kumpanyang magla-lobby upang hadlangan ang panukalang alisin ang system loss sa singil sa kuryente ng mga consumer.
Sa isang panayam, sinabi ni Tulfo na sa loob ng mahigit 25 taon mula nang maipatupad ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), hindi umano nasisilip nang husto ang isyu ng system loss dahil sa pagtutol ng ilang lobby group at mga pulitiko.
Gayunman, binigyang-diin ng senador na iba na ang sitwasyon ngayon dahil mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nag-utos na alisin ang system loss, kaya inaasahan niyang magdadalawang-isip na ang mga tututol sa panukala.
Iginiit ni Tulfo na handa niyang pangalanan ang mga kumpanyang haharang sa panukala.
Samantala, inaasahan ng Committee on Energy chair na magiging mabilis ang usad ng panukala dahil may mga katulad na panukala na ring inihain sa Kamara.
Nakatakda rin umano ang panibagong pagdinig ng komite sa Biyernes upang talakayin ang walong panukalang may kaugnayan sa system loss, bago ito isumite sa Technical Working Group (TWG) para sa pagbuo ng pinal na bersyon ng panukala.
Giit ni Senador Erwin Tulfo, kung masusunod ang target na iskedyul, maaaring maipasa ang panukala at maiharap sa Pangulo para lagdaan sa unang linggo ng Setyembre.
Umaasa rin si Tulfo na bago sumapit ang Pasko ay tuluyan nang mawawala ang system loss sa electric bill, na makapagpapababa sa buwanang bayarin ng mga konsyumer.