Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Binigyang-diin ng isang ekonomista na sa ngayon ay pinakakailangan ng mga Pilipino pagdating sa aspekto ng ekonomiya ang maibaba ang halaga ng mga pangunahing bilihin, elektrisidad, at transportasyon.
Sa post-SONA special ng programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni dating Finance Secretary Margarito “Gary” Teves na base sa mga isinagawang mga pag-aaral at surveys ay laging lumilitaw ang usapin ng pamamahala sa inflation o ang patuloy na pagtaas ng pangkalahatang antas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Nang tanungin kung may kinalaman dito ang kasalukuyang krisis sa Gitnang Silangan, inihayag ni Teves na mayroong mga salik na maaari pang kontrolin at mayroon ding maituturing na “beyond our control”.
Paliwanag ng ekonomista, labas na sa ating kontrol ang presyo ng langis na mayroon nang secondary effects sa presyo ng pataba at transportasyon.
Aniya, isa sa mga controllable factors ay gaano karami ang salapi na tumatakbo sa ating ekonomiya, kung saan ito ay tinitingnan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa kabila ng kakulangan sa suplay ng ating mga bilihin.
Ayon pa kay Teves, kung sobra-sobra ang suplay ng salapi kumpara sa dami ng goods, dito na tataas ang presyo ng ating bilihin.
Sa ganitong sitwasyon, aniya, ay maaaring suriin ng pamahalaan ang budget sa agrikultura at sa iba pang mga ahensya na tumututok sa ating supply chain upang hindi masyadong tumaas ang halaga ng bilihin.
Dagdag ng ekonomista, maaari ring makipagtulungan ang gobyerno sa pribadong sektor upang mapagaan din ang pasanin ng mamamayan.